Sa udyok ng aking matalik na kaibigan
Minsa’y pinilit na ikaw ay matikman
Sa unang langhap ko’y di tinanggap ng katawan
Ibinuga ng aking sikmura’t kalamnan….
- – - – - – - – - – - – - – - – - – - – - – - – - – - – - – -
Ngunit di ko mawari kung bakit gusto pang
Muli kang subuka’t, muli kang madama
Sa pagkakataong ito’y napagtanto ko na
Sigarilyo pala’y masarap sa panlasa.
- – - – - – - – - – - – - – - – - – - – - – - – - – - – - – -
Sa bawat hitit ko’y langit ang pakiramdam
Sa bawat usok mo’y ligayang walang kapantayan
Kapag ika’y dala ko sa gitna ng lansangan
Tila sarili ko’y lalong tumatapang…
- – - – - – - – - – - – - – - – - – - – - – - – - – - – - – -
Hindi ko namalayang hinanap-hanap na kita
Hindi na maiwan, saan man magpunta
Kahit ito’y lihim sa aking pamilya
Basta’t ang alam ko ay kailangan kita….
- – - – - – - – - – - – - – - – - – - – - – - – - – - – - – -
Pagkatapos kong kumain, ikaw ay kasama
Inaalmusal ka tuwi-tuwina sa umaga
Kasama rin kita sa loob ng kubeta
Sa iyo sigarilyo, hindi ako magsasawa….
- – - – - – - – - – - – - – - – - – - – - – - – - – - – - – -
Ngunit ngayong ako ay matanda na
Itong sigarilyong dati kong kasama
Siya rin pala sa aking tiyak na magdadala
Sa bingit ng kamataya’t sakit na malala…
- – - – - – - – - – - – - – - – - – - – - – - – - – - – - – -
Ang aking tagubilin sa inyong kabataan
Landas ng sigarilyo ay iyong layuan
Baka malulong ka’t hindi na maiwasan
Magkakaroon ka ng telebisyon sa katawan….
Filed under: Akdang Pampanitikan, Balagtas, Filipino, Tula Tagged: | Balagtas, makata, panitikan, sigarilyo, tagubilin, Tula