Natatagalan ko ang magha-maghapon
Na busog ang diwa’t ang tiyan ay gutom
Sa akin ay hindi ginto ang panahon
Pagkat ang yaman ko’y aking Panginoon.
- – - – - – - – - – - – - – - – - – - – - – - – - -
Tinuran kong bigla sa aking isipan
Ang pinagtagni-tagning mga katauhan
Katauhang tila sa mundo’y walang muwang
Ang musmos na larawan ng mga Kabataan…
- – - – - – - – - – - – - – - – - – - – - – - – - -
Kabataan kami na siya raw pag-asa
Nitong ating bayang lupaypay sa dusa
Kabataan akong dapat umusisa
Kabataan ako na isang MAKATA….
- – - – - – - – - – - – - – - – - – - – - – - – - -
Hindi ko mawari ang saki’y naging bunga
Nang malawig na pangaral ng aking ina’t ama
Hindi ko akalaing ang dating isang bata
Ngayo’y kumakatha’t sumusulat ng tula.
- – - – - – - – - – - – - – - – - – - – - – - – - -
Madalas na sa akin ay laging sinasabi
Na sa iyong pagtula ay walang mangyayari
Ngunit sagot ko “Ako’y walang pagsisisi”
“Pagkat ang tula ko’y gumigising sa marami….”
- – - – - – - – - – - – - – - – - – - – - – - – - -
Bumangon ako noo’t lalong nagpunyagi
Upang ituloy ko ang gawa kong mabuti
Salamat sa DIWA na aking bayani
Salamat sa PANULAT na kasama kong lagi…
- – - – - – - – - – - – - – - – - – - – - – - – - -
Sa aki’y kahit na mawala ang lahat
Ng mga nilikha sa sanmaliwanag
At matira lamang ay diwa’t panulat
Mapalad na ako sa tanang mapalad….
- – - – - – - – - – - – - – - – - – - – - – - – - -
Munti ang tingin sa akin ng sanlibutan
Isang hamak na makata, ni wala akong alam
Ngunit sa tulad kong sa mundo’y walang muwang
Madalas kami rin ang walang kasalanan…
- – - – - – - – - – - – - – - – - – - – - – - – - -
Salamat sa wika na aking baon-baon
Gagamitin kita sa habang panahon
Ang laban kong itong sinimulan ngayon
Hindi magwawakas, hindi maglalaon…
- – - – - – - – - – - – - – - – - – - – - – - – - -
Sumaakin nawa ang dunong at tatag,
Ng mga naunang apo ni Balagtas
Hindi ako pasisilaw sa ginto at pilak,
Sa mapagmalabis, di ako pasisindak…
- – - – - – - – - – - – - – - – - – - – - – - – - -
Bayang sumaksi, kami’y inyong kilalanin,
Kaming makakatang alagad ng sining
May ningas ang dibdib, mata’y nagniningning
Pag-asa ng baya’t luwalhati natin…
Filed under: Akdang Pampanitikan, Tula | Tagged: Balagtas, balagtasan, buhay, dangal, Filipino, inspirasyon, kabataan, Kultura, literatura, madla, makata, pilipinas, pilipino, sining, tanghal, Tula, tulaan, tulang-pilipino, wika, wikang Filipino
wow… I’m so amazed… A new poet was born… good luck to your career and God may guide you on your way
thanks! may project na po me :)
thanks sa tula may project na me eh! :)