Zobra na! Tama na! Exit na!
□ Anastacio Cruz □
Gamit ang diwa at aking panulat
Lumakas yaring loob na aking isiwalat
Ang naghihimutok kong damdaming maalab
Sa kabuktutang sa aki’y inyong pinamulat.
—————————————–
Bakit nga ba? Tanong ko sa aking sarili
Sa lahat ng tao, sa dinami-dami
Bakit sa labi ko kailangang mamutawi?
Bakit sa tulad kong ang isipa’y inosente?
—————————————–
Bakit karamihan ay tumatahimik lang?
Bakit lahat kayo ay parang walang muwang?
Sa mga nangyayari sa buong sambayanan
Bakit di ka bumangon at simulan ang laban?
—————————————————-
Ako’y sumunod lamang sa agos ng pangyayari
Na aking nasaksihan araw-araw, gabi-gabi
Laman ng balita sa radyo at tv
Mga anomalya sa likod ng ZTE.
——————————————————–
Imbis na harapin itong aking libro
Ay aking ginigising Sambayanang Pilipino
Batid kong kailangan ng tulang ganito
Hangad kong lahat nawa tayo’y mangatuto.
——————————————————–
Mura man ang isip ko’y nababatid ko na
Kung ano ang mali’t kung ano ang tama
Sapat ng pagbatayan nitong aking akda
Sapat ng loobing gisingin ang madla.
———————————————-
Malakas ang loob ng ating Presidente
Hindi raw siya bababa anuman ang mangyari
Mananatili siya sa pagiging tiwali
Hindi ako papayag! Hindi maaari!
——————————————
Batid ko ang hirap ng aking ina’t ama
Sa pagbabayad ng buwis dito sa’ting bansa
Makikinabang lang pala’y si Pangulong Gloria
At saka si FG na kanyang asawa.
———————————————————
Wala naman talagang malinis na pulitiko
Lahat ng mga iya’y may nais matamo
Sa laki ng gastos sa pangangandidato
Hangad nila’y makabawi’t higitan pa ito.
———————————————————-
Si Secretary Ermita ang dakilang tagapayo
Tagapagtanggol lagi ng ating Pangulo
Hindi natitinag sa lahat ng gulo
Pagkat malaki ang BONUS sa sweldo.
————————————————–
Si Deputy Secretary Manuel “Manny” Gaite,
Nagbigay ng perang malaking-malaki
Kay Rodolfo Lozadang testigo ng ZTE
Sa liit ng sweldo niya’y GALANTENG-GALANTE.
——————————————————
Si Leandro Mendoza, pinuno ng DOTC
Lagi ring nakadikit kay Madam Presidente
Sa buong kapulisan noo’y naging hepe
Ano ang karapatang maging Cabinet Secretary?
—————————————————–
Si Lito Atienza na sipsip sa Pangulo
Sa pagkidnap kay Lozada ay siyang pasimuno
Laging nagpapasikat sa mahal niyang amo
Sa DENR nakaupong SEÑORITO.
——————————————————
Si CHED Chairman Romulo Neri
Hindi maiwan-iwan mahal na Presidente
Siya daw ang susi sa misteryo ng ZTE
PATRIOTIC FUND niya’y binigay na ni FG.
———————————————-
Si Hermogenes Esperon nananatiling tapat
Pagkat BIGAY ni Gloria sa bulsa niya’y sumasapat
Ang mga sundalo’y may bonus ang lahat
Baka kasi magkudeta, plano nila’y pumalpak.
———————————————-
Si Avelino Razon na nagmamagaling
Mga kayamana’y sa kaban nanggaling
Mga raliyista’y halos kanyang patayin
Natatakot sigurong lihim nila’y mabuking.
———————————————–
Si Mike Defensor na naging talunan
Sa pagkasenador nung nakaraang halalan
Ngayo’y sumasawsaw sa mga usapan
Balak pa sigurong kumandidato na naman.
————————————————-
NBN 4, RPN 9, at IBC 13,
Mga istasyong madalas gamitin
Ng ating Pangulo sa masamang hangarin
Litaw ang kanilang budhing maiitim.
——————————————–
Bakit hindi pakinggan si Jun Lozada?
At saka itong bagong si Ginoong Madriaga?
Ang unang testigong si Joey De Venecia
Sila ang kasagutan sa tanong ng masa.
————————————————-
Sila ay patunay na ‘di ako nag-iisa
Sa panawagang madla’y gumising na
Hangad kong lahat tayo’y maging sama-sama
Sa isang hangaring patalsikin si Gloria.
————————————————
Pinapangarap ko ang isang pagbabago,
Nitong ating sistema, nitong mga pulitiko,
Sa dalawang People Power, bayan ay natuto,
Ang hindi natuto’y yaong mga nakapuwesto.
——————————————–
Kaya’t dinggin mo itong aking panawagan
Atin nang tugunan ang tawag ng kalikasan
Kailangang si GLORIA ay ating palitan
Ngunit hindi si Noli ang tamang kasagutan.
————————————————-
Batid naman nating wala ding nagagawa
Itong Bise-Presidenteng sangkot din sa anomalya
Hindi natin kailangan ng kaparis ni GLORIA,
Tayo ng pumili sa paraan ng demokrasya.
—————————————————
Tayo’y magdaos ng SNAP ELECTIONS
Upang pumili ng bagong Administrasyon
Hayaan ang bayan sa pagdedesisyon,
Kumilos na tayo! Kailangan na ngayon!
———————————————
Madlang Pilipinas kung mangyaring ganap
Ang aking tinuran, ang aking pangarap
Mga kababaya’y maaahon sa hirap
Pagka umalis na itong Pangulong KURAP!
————————————————
Bigkis ng mga tao simulang silaban
At kapag naginit ay lalong tatapang
Pagbabagong ganap ang ating kailangan
Pangarapin nating SIMULAN ANG LABAN!
————————————————
Ang aking panawagan sa TIWALING si GLORIA
Sa mahabang panahon siguro nama’y sapat na
Dinggin ang panawagan ng Pilipinong Masa;
Zobra na! Tama na! Exit na!
Filed under: Akdang Pampanitikan | Tagged: abalos, administrasyon, anti-gloria, Balagtas, EVIL, FG, Gloria Resign, joey de venecia, Jun Lozada, katiwaliaan, kurakot, magnanakaw, Malacañang, neri, oposisyon, pangulo, People Power, pilipinas, poem, rally, senado, Tula, ZTE, ZTE Controversy