Sumisigaw sa sakit itong aking bansa,
Sa sakit ng ngipin, tuloy pang namamaga,
Pinasyang magtungo sa kanyang dentista,
Upang ang kanyang ngipin, palagyan ng pasta.
—————————————-
Juan Dela Cruz, pangalan ng Dentista,
Hinanda ang gamit, binasta ang pasta,
Nang kanyang silipin, napailing siya,
Pagkat, malala na’t, hindi na makakaya.
—————————————-
Kailangan ng bunutin ang bulok mong ngipin,
At baka lumala pa ng lalong magaling,
Ayaw ipabunot ng bansa kong swapang,
Baka naman daw, kaya pang remedyuhan.
—————————————-
Tulad nito ang sitwasyon dito sating bayan,
Mga kasiraa’y madalas natatakpan,
Hindi lumilitaw ang katotohanan,
Wari ko lahat ngayon ay nababayaran.
—————————————-
Ngunit sawa na ang mga Pilipino,
Sa kabulukan ng Gobyernong Arroyo,
Kailangan ng bunutin sa loob ng Palasyo,
Sigaw ng Pilipinas, palitan ng bago.
—————————————-
Ngunit matigas ang kanyang sinabi,
Walang iba ika niya, ako ang Presidente,
Hindi ako aalis anuman ang mangyari,
Wag nyo nang balaking magkaroon ng EDSA 3.
—————————————-
Subalit ang tao ay may kakayahan,
Na kapag nagbigkis ay lalong tumatapang,
Darating ang panahon, muli tayong lalaban,
At ating sasabihin, “GLORIA ALIS DYAN!”
—————————————-
Alagaan natin ang ating mga ngipin,
Upang hindi maging ganid at lalong maging sakim,
Sambayanang Pilipinas, atin nawang isipin,
Pag tayo’y nagsama-sama, kaya natin! Kaya natin!
—————————————-
Nananalangin ako, nawa’y bunitin na,
At hindi na takpan ng panibagong pasta,
Baka kabataan, ay biglang mahawa,
Sa VIRUS na dala ng EVIL na si Gloria.
—————————————-
Lumabas ka ng lansangan at ipagsigawan,
Ang iyong saloobin sa buong sambayanan,
Baka sakaling dinggin ka, baka sakaling pakinggan,
Tayo na sa EDSA, tayo ng lumaban.
Filed under: Akdang Pampanitikan | Tagged: ZTE Controversy, Gloria Resign, Tula, poem, Balagtas, anti-gloria, rally, katiwaliaan, senado, Jun Lozada, joey de venecia, abalos, neri, FG, Malacañang, People Power, ZTE, kurakot, magnanakaw, pangulo, pilipinas, EVIL, oposisyon, administrasyon, bayani, cory aquino, FVR, RESIGN, Laban ng masa, ayaw kay gloria